Ayon sa NBI, isang criminal enterprise ang KAPA Ministry at hindi religious organization. Napatunayan daw nilang walang religious activities ang KAPA ayon sa kanilang mga agent na pinamiyembro nila sa naturang sekta. Tinatawag lang ng KAPA ang grupo nila na religious group pero ang istilo umano ng mga ito ay papipilahin ang mga tao, magpi-fill up ng form, magbibigay ng pera at tapos ay naka-schedule na sila na bumalik matapos ang isang buwan para kunin ang ipinangakong 30% payouts. Ang problema umano ay walang panggagalingan sa 30% kaya maliwanag na ang ibinibigay na porsiyento sa mga first investor ay nanggagaling sa mga susunod na investor. Darating daw ang panahon na hindi na masusustena ang mga payout dahil hihinto ang pag-invest ng mga tao. Ginawang cover lang umano ng KAPA ang relihiyon para hindi masilip ng gobyerno dahil sa separation of the church and the state.