What's new

[Artikulo] Mas Pinapaboran ba ng Diyos ang Ilang Bansa Kaysa sa Iba? - Ang Sagot ng Bibliya

Cerebellum

Eternal Poster
Joined
Oct 31, 2021
Posts
1,183
Reaction
532
Points
423
Mas Pinapaboran ba ng Diyos ang Ilang Bansa Kaysa sa Iba?

INAAKALA ng maraming tao na mas pinapaboran ng Diyos ang kanilang bansa kaysa sa iba. Pero kapag itinanong mo kung ano ang katibayan nila, ano ang masasabi nila? Maaaring banggitin ng ilan ang mga tagumpay sa kasaysayan ng kanilang bansa—gaya ng pananaig ng kanilang militar o pag-unlad ng ekonomiya. Baka itawag-pansin pa nga nila ang matagumpay nilang mga programa na pakanin ang mga nagugutom, ipagsanggalang ang mahihirap, o itaguyod ang katarungan at pagkakapantay-pantay. Sinasabi ng iba na pinapaboran ng Diyos ang kanilang sariling lupain dahil sa likas na kagandahan doon.
Mapapansin ang gayong pagmamapuri sa bansa sa lahat ng lupain. Subalit itinataguyod ba ng Bibliya ang ideya na mas pinapaboran ng Diyos ang isang bansa kaysa sa iba?

Mahalagang Katangian ng Diyos

Maliwanag ang sagot kung nauunawaan natin ang isang mahalagang katangian ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, isang katangian na buong-diin na inilalarawan ng Bibliya. Ang Diyos ay hindi nagtatangi. Halimbawa, malinaw na sinasabi sa Gawa 10:34: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi.” Sinasabi rin ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay “hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi” at na “kay Jehova na ating Diyos ay walang kalikuan o pagtatangi.” (Deuteronomio 10:17; 2 Cronica 19:7) Kinamumuhian ng Diyos ang pagtatangi; para sa kaniya, katumbas pa nga ito ng kalikuan.

Gayunman, baka itanong mo: ‘Hindi ba pinaboran ng Diyos ang sinaunang bayan ng Israel kaysa sa iba pang bansa? Hindi ba katibayan ito na nagtatangi siya?’ Totoo ngang pinili ng Diyos ang bayan ng Israel noong panahon ng Bibliya, at ipinagsanggalang niya ang mga Israelita sa ilan sa kanilang pakikipaglaban sa ibang bansa. Bukod diyan, sinasabi ng Bibliya hinggil sa Diyos: “Sinasabi niya ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga tuntunin at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya sa Israel. Hindi niya ginawa ang gayon sa alinpamang bansa.” (Awit 147:19, 20) Subalit ipinahihiwatig ba ng pakikitungo ng Diyos sa Israel na nagtatangi siya? Hinding-hindi. Isaalang-alang ang tatlong dahilan.

Una, pinili ng Diyos ang Israel upang makinabang ang lahat ng bansa. Nakipagtipan siya sa ninuno ng bansang iyon, si Abraham, na sinasabi: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:17, 18) Oo, ang layunin ng Diyos sa pakikitungo sa Israel ay ang magluwal ng “binhi” na magdudulot ng malalaking pagpapala, hindi lamang sa mga mamamayan ng isang bansa kundi sa mga tao ng “lahat ng bansa.”

Ikalawa, ang pagpapala ng Diyos ay hindi kailanman limitado lamang sa bayan ng Israel. Walang-pagtatangi niyang binigyan ng pagkakataon ang mga indibiduwal sa ibang bansa upang sumama sa kaniyang piling bayan sa pagsamba sa kaniya. (2 Cronica 6:32, 33) Marami ang tumanggap ng paanyayang iyan at pinagpala dahil dito. Ang babaing Moabitang si Ruth ay isa lamang sa kilalang halimbawa nito.—Ruth 1:3, 16.

Ikatlo, pansamantala lamang ang pantanging kaugnayan ng Diyos sa makalupang Israel. Noong 29 C.E., lumitaw mula sa Israel ang inihulang “binhi” sa katauhan ng Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Galacia 3:16) Subalit hindi naniwala ang mga kababayan ni Jesus na siya ang Mesiyas. Sinabi niya sa kanila: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:38) Mula noon, hindi na nakikialam ang Diyos sa partikular na mga bansa sa daigdig at sa kanilang mga labanan. Sa halip, walang-pagtatangi niyang ipinagkakaloob ang mga pagpapala sa buong sangkatauhan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Mga Kaloob ng Diyos Para sa Lahat

Ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao. (Roma 6:23) Naglalaan ito ng paraan upang makalaya tayo sa kasalanan at kamatayan, anupat nagbibigay sa bawat isa sa atin ng pagkakataong magmana ng buhay na walang hanggan. Ang kaloob na ito ay para sa mga indibiduwal “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.” (Apocalipsis 5:9) Oo, nais ng Diyos na “ang bawat isa na nananampalataya” kay Jesus ay magkamit ng “buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.

Ang mabuting balita hinggil sa Kaharian ng Diyos ay nagdudulot ng maraming pagpapala sa mga nakikinig. (Apocalipsis 14:6, 7) Nagbibigay ito ng pag-asa sa hinaharap at ng matalinong payo na maaaring umakay sa mas maligayang buhay ngayon. Walang-pagtatanging isinaayos ni Jehova na ‘ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.’ (Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 16:10) Ang mabuting balitang iyan ay nasa Bibliya, isang aklat na mababasa—kahit ang ilang bahagi lamang—sa mahigit na 2,300 wika. Bilang maibiging Ama, inilalaan ni Jehova sa halos lahat ng tao sa lupa ang “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:68; Josue 1:8.

Ang mga ito at ang iba pang mga kaloob mula sa Diyos ay makukuha ng lahat—oo, ng mga tao ng lahat ng bansa, lahi, at wika. Kaya ang pagtanggap ng pabor at pagpapala ng Diyos ay hindi nakadepende kung saan tayo ipinanganak o sa ating etnikong pinagmulan.

Sino ang Pinapaboran ng Diyos?

Kung gayon, ano ang dapat nating gawin upang makamit ang pabor ng Diyos? Sumasagot si apostol Pedro sa pagsasabing: “Sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Maliwanag, hindi sapat na basta may interes lamang tayo sa Diyos. Kailangan nating linangin ang taimtim na pag-ibig sa Diyos, anupat natatakot na hindi siya mapalugdan. Kailangan din nating ‘isagawa ang katuwiran,’ o aktibong itaguyod ang paggawa ng mabuti sa paningin ng Diyos.

Bilang paglalarawan: Laganap sa maraming lupain ang pampublikong paaralan, subalit ang mga pumapasok lamang sa klase at nagsusunog ng kilay ang makikinabang. Sa katulad na paraan, maaaring matamo ng lahat ang pabor ng Diyos, subalit kailangan tayong magsikap. Kasali sa pagsisikap na iyon ang regular na pagbabasa ng Bibliya, pagpapakita ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo, at pamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Kung talagang ‘sinasaliksik natin si Jehova,’ magkakaroon tayo ng sinang-ayunang katayuan sa harap niya.—Awit 105:3, 4; Kawikaan 2:2-9.
 

Similar threads

Back
Top