What's new

Closed Mga password—isang susi sa seguridad

Status
Not open for further replies.

Gentleman007

Forum Expert
Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,552
Reaction
7,215
Points
2,569
“PAKISUYONG ipasok ang iyong password.” Para sa maraming tao sa buong daigdig, ang mga salitang ito na lumilitaw sa iskrin ng computer ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay. Kumokonekta ka man sa iyong personal na computer, nagbubukas ng mobile phone, gumagamit ng credit card, o nagsasara ng sistemang panseguridad para sa pintuan, mahigpit na binabantayan ng mga password, o mga PIN (personal identification number) ang pagpasok sa napakaraming regular na gawain.

Maraming nag-oopisina ang may 3 hanggang 5 password sa trabaho pa lamang, at tinatayang sa loob ng sampung taon, maaaring mapaharap ang mga gumagamit nito sa mahigit na 100 password! Dahil sa laganap na paggamit ng mga password, paano ka kaya makapipili ng mga password na mahirap matuklasan ngunit madaling tandaan?

May mahahalagang tagubilin na dapat tandaan. Una, ang mga bagay na hindi dapat gawin. Huwag gamitin bilang password ang pangalan mo o ng miyembro ng pamilya mo, kahit pa nga bahagyang binago ito. Iwasan ding gamitin ang numero ng plaka ng kotse mo, numero ng telepono mo, numero mo sa Social Security System, o direksiyon mo. Ang gayong mga impormasyon ay madaling makuha ng determinadong häçker.

Karagdagan pa, kung posible, huwag gumamit ng mga password na binubuo ng pawang mga titik o numero. Mabilis na matutuklasan ng isang simpleng programa sa computer ang gayong kodigo. Sa kahuli-hulihan, huwag gumamit ng salitang matatagpuan sa diksyunaryo, kahit na wikang banyaga pa nga. May makukuhang napakahahabang listahan ng mga salita, mga pangalan ng lugar, at mga pantanging pangngalan mula sa lahat ng wika. Kayang subukan ng mga programa sa computer ang iba’t ibang anyo ng mga salitang ito, katulad ng pabalik na baybay, malalaking titik, o kombinasyon ng dalawang ito.

Kaya, anu-anong uri ng mga password ang dapat gamitin? Kadalasan ay yaong may anim hanggang walong karakter at may pinagsamang malalaki at maliliit na titik, mga numero, at mga bantas. Gaano ba kahirap matuklasan ang gayong kombinasyon ng mga karakter? Sinasabi ng isang artikulo na “sa katamtaman, kakailanganin ng isang computer na kayang sumubok sa isang milyong password bawat segundo ang mahigit na isang daang taon.”

Paano ka makapipili ng kombinasyong madaling tandaan? Iminumungkahi ng ilan na kunin mo ang pamagat ng paboritong aklat o pelikula o taludtod mula sa isang awit o tula at gamitin ang unang titik mula sa bawat salita nito bilang password mo, na dinaragdagan ng malalaking titik, bantas, o iba pang karakter. Halimbawa, ang “to be or not to be” ay maaaring maging “2B/not2B.” Maaari mo pa ngang kunin ang reperensiya sa Bibliya at gamitin ito bilang password mo. Sa gayon, ang 1 Cronica 9:27 ay maaaring maging “1Cro9:27.”

Kabilang sa iba pang mga mungkahi ay ang pagsasalit ng mga katinig sa isa o dalawang patinig upang makabuo ng mga salitang walang kabuluhan na maaaring bigkasin. Halimbawa, “QuiMSoPy,” o “WotyRuba.” O kaya naman ay maaaring pagdugtungin ang dalawang maikling salita sa pamamagitan ng bantas, tulad ng “Ani?Mais” o “Awit;Puno.”

Bagaman hindi lahat ng password ay humihiling ng pare-parehong antas ng seguridad at ang ilang programa sa computer ay baka hindi tumatanggap ng ilang karakter o kumikilala ng malalaking titik, ang pagsasaalang-alang ng mga mungkahi sa itaas ay makatutulong sa iyo na maprotektahan ang mahahalagang impormasyon mula sa mga kinaiinisang pakialamero. Tandaan din ang kahalagahan ng regular na pagpapalit ng iyong mga password. Huling komento na lamang: Anumang mga password ang mapagpasiyahan mong gamitin, huwag mong pipiliin ang alinman sa mga halimbawang ibinigay sa itaas.
 
Status
Not open for further replies.
Back
Top