"Ang sunog na itlog na 'to ay parang puso kong itim sa pagkabigo"
(ToSiLog)
Umaga nanaman nang ako'y muling namulat
Pagbangon ng aking mga paang parang lutang sa ulap
Mga mata na tila nagbubuhat ng mabigat
Habang humahakbang at ako'y humihikab
Inihanda ko na ang kawali sa lutuan
Upang sa gayon ako'y makahain ng agahan
Nagbatil ng itlog nagpalambot ng tocino
Kaning lamig hinimay ko ng todo
Heto na at akin na silang niluto
Pagtapos kong ihain lahat sa plato
Kanin na tinawag na sinangag at pinirito
Ang pagpalambot sa mapang-akit na tocino
Kay tamis at kay sarap
Para bang natupad lahat ng aking pangarap
Samahan pa ng ala-kamatis na usapan
Di na naalala aking napanaginipan
Ikaw ay parang isang sinangag
Di kumpleto ang umaga sa tuwing araw ay sisinag
Samahan pa ng mainit na sandali
Parang tayo lang tila gatas at kape
Ang buhay natin ay parang itlog
Kapag mali ang bagsak nawawala ang pagkabilog
Nababasag, nawawasak kapag mali ang paghawak
Kaya dapat lang din na doblehin ang pag-ingat
Subalit nang di ko tila napansin
Sunog na ang itlog na aking inihain
At lahat ay tila aking naalala
Mga pagkakamali ko kagaya ng umaga
Napansin ko ng nalingat ako kahit kaunti
Ang iniwan kong itlog tila naging maitim na budhi
Dahil nga ba sa kampante lamang ako
Parang relasyon natin dati ang bilis nagbago
Sa sobrang init natin sa isat-isa
Siguro nga mali dahil nasunog talaga
Ang relasyon gaya ng itlog
Ngayon napansin naiwan at nasunog
Ganyan tayo aking pagsinta
Ikaw ang kailangan ko sa pagmulat ng mata
Subalit lahat tila nagbago na
Nang nasunog ko ang itlog katulad ng ating pagsinta