What's new

Closed Langka by Asmodeus

Status
Not open for further replies.

rionesenobi

Addict
Joined
Jan 23, 2012
Posts
42
Reaction
12
Points
80
Age
43
Paunawa: Ang anumang nabanggit na mga pangalan ng tao, bagay, lugar at mga pangyayari o sitwasyon ay pawang kathang-isip lamang, ang anumang pagkakatulad sa tunay na buhay ay di sinasadya ng may akda at ito'y nagkataon lamang.




Nais ko lang ibahagi ang isang karanasan sa buhay ko noong bata pa ako na hinding hindi ko makakalimutan. Nangyari ito noong ako ay nasa edad na limang taon pa lamang. Madalas akong patulugin ng mga magulang at mga nakakatandang kapatid ko sa tanghali, trenta minutos hanggang isang oras matapos mananghalian para daw lumaki ako ng mabilis. Pagkakagising ko mga bandang alas kwatro, dali dali akong tumatakbo palabas patungo sa bahay ng isa sa mga madalas kong kalaro. si tatuy. Kada gising ko sa hapon ay para bang unang beses ko lang makakalanghap ng sariwang hangin at makakakita ng ibang tao kaya kahit anong sabihin o kahit ano pang bilin ay di ko naririnig. Isang hapon, pagkagising ko ay tagaktak ang aking pawis kung kaya't kinailangan kong maligo at magpalit ng damit. Pagkatapos kong maligo ay nagmamadali akong lumabas ng bahay upang magtungo sa bahay nila tatuy. Sa daan, nasalubong ko syang may dala dalang bilao ng pansit. Inutusan daw sya ng kanyang ina na ihatid yun sa ilog malapit sa madalas naming puntahan sa bukid. Reunion kasi ng batch ng tatay nya noong high school. Tinamad sumama ang nanay nya at lahat silang magkakapatid naman ay nasa eskwelahan kaya nagtungo na lang mag isa ang kanyang ama. Alas kwatro y medya na nang oras na yun. At sa tantya namin ay aabutin kami ng dilim kung maglalakad kami. Pero mahilig naman kami sa mga ganong lakaran eh. Kaya napagpasyahan na rin namin na lakarin papunta doon. Palubog na ang araw pero nangangalahati pa lang ang aming nararating papunta sa lokasyon kung saan nagbalak na magpicnic at night swimming ang kanyang ama at mga kaklase nito upang idaos lamang ang reunion nila. Ang daan papunta doon, palibhasa ay bukid, di pa kalsada noong panahon na yun at napakadalang ng sasakyan. Tricycle lang ang nasasakyan ng mga tao dun pero iilan lang ang bumibiyahe. Nakarating kami sa isang lugar na kinakatakutan ng lahat ng nagdaraan sa lugar na yon. Isang tulay kung saan madalas ang aksidente dahil daw sa may nagpapakitang white lady dito at madalas daw ito magpakita sa mga nabyahe o naglalakad na mag isa kapag madilim na. Sa ilalim ng tulay ay isang sapa na may mga matataas na puno ng kawayan sa gilid at kanilang mga langitngit ang tanging maririnig sa katahimikan ng gabi at tanging liwanag na lamang ng buwan ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa dinadaanan namin ni tatuy. Alas Sais pasado na ng gabi at napakalayo pa ng mga kabahayan sa kinaroroonan namin. Palampas na kami sa tulay nang biglang umihip ng malakas ang hangin kasabay ng malakas na langitngit ng mga kawayan. Ingay na wari'y halakhak ng mga lamanglupa na nakakatakot ang mga hitsura ang unang pumasok sa aking isipan. Nabalutan ako ng labis na takot. Di namin maaninagan ng mabuti ang isa't isa. patuloy lang kami sa paglalakad. may naaninagan ako sa daan na parang makintab na bagay na gawa sa metal. naisip ko na malaking piso. Naibibili pa yun nang panahon na yon. Pansamantalang nawala sa isip ko ang takot dahil dun. Pero di ito nagtagal. Nang pupulutin ko na yung piso ay parang may biglang dumamping malamig na kamay sa aking balikat. Napatakbo ako ng mabilis sa sobrang takot. Ni hindi ko na nagawang pulutin pa ang piso. Mga ilang metro pa lang ang naitatakbo ko nang bigla kong maalala ang aking kasama na parang nawala sa likod ko na kani-kanina lamang ay nakita kong kasunod ko lang na tumatakbo. Pilit kong nilabanan ang takot at saglit akong huminto upang tignan kung ano ang nangyari sa kanya. Kitang kita ko si tatuy na nasa di kalayuan. Parang di makagalaw sa sobrang takot. maya maya lang ng konti ay lumitaw sa harapan nya ang babaeng nakaputi. Agad akong kumaripas ng takbo. Di ko na nakita ang mga sumunod pang pangyayari. Mabilis akong nagpatuloy sa pagtakbo. Naisip ko na anumang mangyari sa kasama ko ay wala na akong magagawa. Tanging nasa isip ko na lamang ay makauwi at maikwento ang nangyari sa amin nang gabing yon. Kung saan saang direksyon na lang ako nagtutumakbo sa sobrang takot. Wala na akong pakialam kung saan man ako makarating. Ang tanging mahalaga na lang sa akin ay makalayo ako sa lugar na yun. Umaasang may makikitang liwanag man lang ng bahay o taong makakasalubong sa daan upang mahingan ng tulong. Titignan ko sana ang oras pero naiwala ko na pala ang wrist watch ko. Marahil ay sumabit sa kung saan sa pagtakbo ko at napigtal. Palibhasa bata, kung anu anong ideya ang pumasok sa isip ko. Nakakita ako ng isang puno na sa wari ko ay madali ko lang maaakyat. Naisip ko na wala pa akong nakikitang multo na umakyat sa itaas ng puno. Marahil ay di nila kayang umakyat sa mga ito. Kaya di na ako nagdalawang isip pa. Inakyat ko ang punong yon na parang pusa sa bilis. Di nagtagal at nakarating ako sa mataas na parte nito at tumigil sa isang malaking sanga na sapat na ang lapad para makapagpahinga ako ng maayos at komportable nang inaakala kong malamang na sumusunod sa akin. Di ko na malaman kung saang direksyon ako nanggaling. Parang pare-pareho lang ang anyo ng paligid saan mang sulok ako lumingon. Bagama't medyo madilim, sa tulong ng liwanag ng buwan ay di naging hadlang ang kadiliman para maaninag ko ang mga puno ng niyog sa paligid ng kinaroroonan ko hanggang sa pinakamalayong lugar na abot ng aking tanaw. Tahimik ang paligid. Walang maririnig na ingay bukod sa huni ng kwago at pagpaspas ng mga dahon ng mga puno dala ng malakas na pabugso bugsong ihip ng hangin. Bigla akong nakaramdam ng labis na panlalamig ng katawan. Dahilan ito para magtindigan ang mga buhok ko sa braso at batok. Nagpalingon lingon ako sa paligid. May naaninag akong nakaputi sa aking gilid at sa wari ko'y kanina pa nagmamasid. Naghihintay ng magandang pagkakataon upang ako'y saktan o gawan ng kung anong di kanais-nais. Mabilis akong kumilos upang makalayo. Gumapang ako palayo habang unti unting lumilingon sa direksyon ng nakaputing yun. Parang naaaninagan ko na sya nang marinig ko ang paglagitik ng sanga. Narating ko na pala ang dulo. Huli na para makakapit ako sa kahit ano upang di ako mahulog. Nalaglag ako kasabay ng naputol na sanga. Tumama ang ulo ko sa sangang kasabay ko nahulog. Nawalan na ako ng malay. Nagising ako as malakas na pagtampal ni tatuy sa pisngi ko. Umaga na pala. Una kong nabungaran ang mukha ni tatuy. Nagpalinga linga ako. Ang dami ng tao na nakapalibot sa akin. Naalala ko bigla ang mga nangyari nung nakaraang gabi. Muli akong binalutan ng takot ngunit kasabay ng palaisipan sa mga nangyari. Bakit nandito si tatuy? Anong nangyari sa kanya kagabi? Napatingin ako sa itaas na pinagkahulugan ko. May nakita akong sako na kulay puti. Doon ko napagtanto ang tunay na nangyari. Puno pala ng langka ang naakyat kong puno at hitik ito sa bunga. Lahat ng malalaking bunga nito ay nakabalot sa sako upang di kainin ng mga hayop sakaling ang mga ito ay magkasugat. Iba-iba ang kulay ng mga sako. Nagkataon lang na puti ang nasa sanga na naakyatan ko. Di ko ito napansin nang umakyat ako dahil sa pagmamadali at nakaharang ang katawan ng puno. Bukod dun, wala akong ibang pinagtuunan ng pansin kundi ang pinanggalingan kong direksyon sa sobrang takot. Nataranta na lang ako. Pero isa pa ring palaisipan sa akin ang nangyari kay tatuy. Kasama na nya ang tatay nya at may sinasabi sa akin pero para akong bingi sa mga naririnig ko. Sa di kalayuan ay may napansin naman akong sampayan na may nakasampay na kumot. Agad na may nabuong ideya sa isip ko. Yun din marahil ang nakita kong inakala kong babaeng nakaputi na humarang sa pagitan namin ni tatuy nung gabi. Isang palaisipan na lang sa akin ngayon kung bakit di man lang tumakbo ang kasama ko. Tinulungan na ako ng mag ama na makatayo at isinabay na ako sa paguwi. Sa daan, naikwento ni tatuy sa akin ang mga nangyari. Ang bilis daw namin maglakad nung gabi. Takot na takot kasi ako sa lugar na yun kaya gusto ko sana na makalampas kami kaagad. Sabi ni tatuy, kamay daw nya yung humawak sa balikat ko nang pupulutin ko yung piso. Pipigilan daw nya kasi sana ako kasi naaninagan nya na parang nasa dumi ng kalabaw yung piso. At kaya malamig ang kamay nya ay dahil pasmado sya at tagaktak na rin ang pawis nya dala nga ng pagmamadali namin sa paglalakad na sinabayan naman ng lamig ng ihip ng hangin sa gabi at siguro dala na rin ng nararamdaman nyang takot. Nang tumakbo daw ako, napatakbo na rin daw sya. Di na nya nagawang magtanong pa kung bakit ako biglang tumakbo. Kinapitan na din daw kasi sya ng takot. Napatigil sya nang may mapansin syang isang maliit na dampa na nasa kinaroroonan ng nakita ko kaninang sampayan. Tumigil sya para sabihan sana ako. Pero napaisip sya kung ano ba ang tinatakbuhan namin. Sisigaw na sana daw sya para pigilan ako nang biglang umihip ng malakas ang hangin at humarang sa harapan nya yung nakasampay na puting kumot. May mga sinabi pa rin daw sya na di na lang nya maalala. Nataranta na sya. Di ko naman narinig ang mga yun na marahil ay dahil sa sobrang takot at naging bingi na ako sa ingay ng bawat mabigat na yabag ng aking mga paa sa pagtakbo. Nagpatuloy lang ako sa pagtakbo na di ko namalayan na nagtutumakbo lang pala ako nang mga oras na yun na halos paikot ikot lang sa kinaroroonan ng sampayan kaya di ako masyadong nakalayo. Minabuti na lang ni tatuy na tumawag sa nakatira sa dampa upang humingi ng tulong. Ilang oras daw silang naghanap sa akin. Sigaw daw sila ng sigaw pero di ako sumasagot kaya minabuti na lang daw nilang puntahan ang tatay nya upang magpatulong na din dito at sa mga kasama nito sa paghahanap. Dahil medyo malayo pa ang lugar na kinaroroonan nila at walang masasakyan kaya walang ibang paraan para makarating doon kundi maglakad kaya inumaga na sila sa pagbalik sa lugar kung saan ako huling nakita. At ito ang kabuuan ng mga pangyayari ng gabing iyon na hinding hindi ko makakalimutan. Alam kong wala naman kayong napulot na aral sa kwento kong ito dahil wala naman talagang mapupulot. Ang mahalaga ay naibahagi ko ang maikling kwento ng isang gabi sa aking kabataan na punung puno ng katatakutan, kababalaghan....
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
at katangahan. :D
 
Dear rionesenobi,

Since 2 years have passed since the last reply in this thread, I am locking it to prevent necroposting. Feel free to start a new thread or contact any forum staff if you want this to be reopened.

Thread closed.
 
Status
Not open for further replies.
Back
Top