1. Welcome to PHCorner Forums. Take a moment to Sign up and gain unlimited access and extra privileges that guests are not entitled to, such as:

    All that and more! Registration is quick, simple and absolutely free. Join our community today!

Stalker

Discussion in 'Stories, Fiction & Essays' started by Yours, May 5, 2016.

  1. Stalker

    “Hay, salamat! Uwian na rin!” bulalas ni Aimee. Itinaas niya ang dalawang kamay at nag-inat ng likod. Pagkatapos ay dinampot niya ang kanyang bag at mabilis na tumayo mula sa kanyang cubicle. Dire-diretso siya sa elevator at nakipagsiksikan sa mga kasamahan niyang nagmamadali ring umuwi.

    Pag dating sa baba ay nakita niya si Bessie.

    “Oy, Bessie! Tuloy tayo bukas, ha,” bati ni Aimee.

    “No problem. Kailangan ko bang magdala ng kahit ano?”

    “Naku, hindi na. Basta’t ang mahalaga, matapos natin yung proposal. Kundi, lagot na naman tayo kay Bossing.”

    “Oo nga, ” sagot ni Bessie sabay tawa. “Sige, bukas na lang. Bye.”

    “Ingat!”


    Pumara ng taxi si Bessie. Pagkasakay niya ay mabilis na humarurot palayo ang taxi. Napabuntong hininga si Aimee. Malapit lamang kasi ang kanyang bahay kaya’t naglalakad lamang siya papasok at pauwi. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang shoulder bag at nagsimulang maglakad.

    Ngunit agad din siyang napatigil ng makita ang isang taong grasa na nakatayo sa gilid ng kalsada sa kanyang harapan. Nakatingin ito sa kanya.

    Ito na naman? sabi ni Aimee sa kanyang sarili. Halos isang linggo na kasi magmula ng makita niya ang taong grasang iyon. Tuwing uuwi siya ay palaging naroroon ang taong grasa, nakatayo at nakatingin sa kanya.

    Ano bang problema nito? Dapat paalisin ‘to rito. Ang baho-baho!

    Binilisan ni Aimee ang kanyang lakad. Nang malagpasan ang taong grasa, ramdam niya na nakapako pa rin sa kanya ang mga mata nito. Araw-araw ay ganito. Hindi niya alam kung ginagawa ba ng taong grasa ang ganito sa lahat ng tao, o baka sa kanya lamang.

    Bakit naman kaya siya nakatingin sa akin?

    (This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

    Naging kampante lamang si Aimee ng makapasok na siya sa kanyang bahay at ng ipinid at i-lock niya ang kanyang pinto.

    Kinabukasan, oras ng uwian, mabilis na tumayo si Aimee mula sa kanyang cubicle dala-dala ang ilang pirasong folder.

    “Ano? Let’s go?”

    Bahagyang nagulat si Aimee ng makita si Bessie na nakatayo sa kanyang harapan. Tulad niya, may bitbit din itong mga folder.

    “Okay. Halika na at ng makapagsimula na,” sagot ni Aimee. Dumiretso ang dalawa sa elevator.

    “Di ba malapit lamang ang bahay mo rito?” tanong ni Bessie.

    “Oo. Diyan lang ako nakatira. Kaya nga naglalakad lang ako palagi.”

    “Buti ka pa. At least, tipid sa pamasahe.”

    “Korek ka diyan!”

    Pagdating sa baba ay dumiretso kagad sa labas ang dalawa at nagsimulang maglakad.

    “Tamang-tama. Nagluto ako kanina ng Afritada,” masayang sabi ni Aimee. “Tiyak, masarap ang kain natin mamaya.”

    “Uy, talaga? Tamang-tama, matagal na kong di nakakakain ng lutong bahay.”

    “Bakit naman, Bessie?”

    “Mag-isa lang kasi ako dito. Nasa probinsya lahat ng pamilya ko.”

    “Ganon? Buti di ka nalulungkot?” tanong ni Aimee.

    “Ok lang. Medyo sanay na rin.”

    “Bakit di na lang–“

    (This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

    Biglang naputol ang sasabihin ni Aimee. Nakita na naman niya kasi ang taong grasa. Ngunit sa pagkakataon ito, natayo ito sa gitna ng sidewalk, nakaharang sa kanilang daraanan.

    “Bakit?” tanong ni Bessie.

    “Y-Yung taong grasa…” sagot ni Aimee sabay turo sa madungis na lalaki.

    “Ay, ano ba yan! Nakakatakot naman.”

    “Oo nga. Ilang beses ko na nakikita yan tuwing maglalakad ako pauwi. Naku, mabuti pa tuwawid na lang tayo sa kabila.”

    “Oo, nga.”

    Matapos lumingon sa kaliwa’t kanan, mabilis na tuwawid ang dalawa.

    “Grabe, dapat ireklamo sa baranggay iyan,” sabi ni Bessie.

    “Oo nga. Di ko alam kung bakit pinapayagang makagala yung mga ganyan!”

    “Teka, tingan mo Aimee!”

    Lumingon si Aimee at nagulat ng makitang tumawid din ang taong grasa at sinusundan sila.

    “Oh my god! Bakit niya tayo sinusundan?”

    “E-Ewan ko,” tarantang sagot ni Aimee. “P-Pero tuwing maglalakad ako pauwi, lagi akong sinusundan ng tingin niyan.”

    “H-Ha? Naku, baka stalker yan!”

    “Stalker? Meron ba namang taong grasang stalker?”

    “Oo naman!” sagot ni Bessie. “Baka kasi nakursunadahan ka!”

    “Naku Bessie, huwag kang magsalita ng ganyan ha.”

    “Mabuti pa bilisan natin ang lakad.”

    Halos hingalin ang dalawa sa pagmamadali. Ngunit, kahit anong bilis nila, naroroon pa rin ang taong grasa na nakasunod sa kanila tuwing lilingunin nila ito.

    “Mabuti pa humingi tayo ng tulong. Medyo dumidilim na rin, oh,” sabi ni Bessie.

    “H-Ha? Huwag na. Malapit na naman ang bahay ko. Sigurado, hindi tayo masusundan niyan dito.”

    Lumiko ang dalawa sa isang makipot na eskinita. Madilim na dahil lumubog na ang araw at ang buwan naman ay natatakpan ng makakapal na ulap.

    “Aimee, dito ba ang bahay mo. Ang dilim naman.”

    “Oo nga pero huwag kang matakot. Ganito talaga dito.”

    (This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

    Nagpaliko-liko ang dalawa sa loob hanggang marating nila ang isang dead-end. Sa pinakadulo nito ay may kulay asul na bahay na may dalawang palapag.

    “Eto ba ang bahay mo?” tanong ni Bessie. “Wow! Ang ganda naman! Mag-isa ka lang ba diyan?”

    “Oo, ako lang,” nakangiting sagot ni Aimee. “Halika na, pasok tayo.”

    “Sandali!”

    Napalingon ang dalawa ng marinig ang malakas at magaspang na boses. Nagimbal sila sa kanilang nakita.

    Ang taong grasa!

    “H-Hindi!” bulalas ni Aimee.

    “Aimee! Anong gagawin natin?”

    “A-Anong kailangan mo? Bakit mo kami sinundan?” tanong ni Aimee.

    Hindi sumagot ang taong grasa. Sa halip ay dumukot ito ng isang bagay mula sa kanyang likuran. Isang mahaba at matalas na kutsilyo.

    “A-Aimee!” mahinang sabi ni Bessie sabay yakap sa kaibigan.

    “H-Huwag kang lalapit. Sisigaw ako!”

    Parang hindi siya narinig ng taong grasa. Dahan-dahan itong naglakad papalapit sa kanila.

    “Hindi kita hahayaang maisagawa ang binabalak mo,” sabi ng taong grasa. Mahinahon at buo ang boses nito.

    “A-Aimee! Anong gagawin natin? Baliw yan! Papatayin tayo niyan,” nagsusumigaw si Bessie sa takot.

    Ngunit, sa di-malamang kadahilanan, parang nawala ang takot sa mukha ni Aimee. Sa katunayan ay nakangiti pa ito.

    “Ganun pala. Isa ka pala sa kanila.” Humakbang si Aimee upang salubungin ang taong grasa.

    “A-Aimee? Anong ginagawa mo?”

    Biglang sumigaw si Aimee, dahilan upang mabasag ang mga salamin ng bintana ng kanyang bahay. Napaatras naman si Bessie, ang mga kamay ay nakatakip sa kanyang mga tainga.

    Itinaas ng taong grasa ang kanyang kamay na may hawak na kutsilyo at itinutok ito kay Aimee, tila ba nanghahamon.

    “Aimee…” mahinang tawag ni Bessie sa kaibigan.

    (This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

    Sa puntong iyon ay hindi na masyadong maalala ni Bessie ang mga sumunod na mga nangyari. Hindi niya maipaliwanag ngunit para bang nagbagong anyo ang kanyang katrabaho. Biglang humaba ang mga kuko sa kamay ni Aimee. Pati ang mga tainga nito ay biglang tumulis. Nang lingunin siya ng kaibigan, nakita niyang naging nakakatakot ang mukha nito. Para bang naging isa siyang mabangis na hayop. Matatalas ang mga ngipin nito. Ang mga mata naman nito ay parang mga uling na nagbabaga.

    Muling hinarap ni Aimee ang taong grasa. Pagkatapos ay sinugod nito ang lalaki, ang mga kamay na puno ng matutulis na kuko ay nakataas.

    “Hindi mo ko mapipigilan,” sigaw ni Aimee. Ang kanyang boses ay parang galing sa ilalim ng lupa. “Hindi ko hahayaang istorbohin mo ang aking hapunan!”

    Tumalon ng mataas si Aimee. Pagbagsak nito ay sumalpok siya sa taong grasa. Bumagsak sa lupa ang dalawa, nagpagulong-gulong. Pagkatapos ay katahimikan.

    Hindi alam ni Bessie kung gaano katagal silang ganoon. Nang subukan niyang tumayo, nakita niyang tumayo si Aimee. Sa dilim ay inaninag niya ito. Nakita niya na ang hawak na kutsilyo ng taong grasa kanina lamang ay nakaturok na ngayon sa lalamunan ng kanyang kaibigan. Pasuray-suray na naglakad si Aimee papalapit kay Bessie. Nakangiti ito, nakalabas ang matatalas na ngipin.

    “B-Bessie… Gutom na ko….” mahinang sabi nito. Pagkatapos ay bumagsak ito at sumubsob sa lupa, hindi na gumagalaw.

    “A-Aimee?” naguguluhang sabi ni Bessie.

    Mula sa kadiliman ay sumulpot ang taong grasa. Lumapit ito kay Bessie, lumuhod sa kanyang harapan.

    “Huwag kang masyadong magtitiwala. Dumarami na sila at mas magaling ng magpanggap. Hindi mo alam kung sino ang totoong tao.”

    Matapos sabihin ito ay tumayo ang taong grasa at tumalikod. Lumapit ito sa bangkay ni Aimee at kinuha ang kutsilyong nakaturok sa leeg nito. Pinunas niya ang dugong nasa kutsilyo sa kanyang maduming shorts. Pagkatapos ay naglakad ito papalayo at naglaho sa kadiliman.

    (This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

    Sa police station, hindi malaman ng mga pulis kung ano ang iisipin sa testimonya ni Bessie. Wala namang ibang saksing nakakita sa krimen at wala silang makitang tao na makapagsasabing may nakakita sa taong grasa. Inisip na lamang nila na na-trauma ang babae kaya’t hindi nito maalala ang mga tunay na nangyari.

    Nang makaalis sa istasyon si Bessie, mabilis na nilapitan ng hepe ang pulis na kumuha ng sinumpaang salaysay ng babae.

    “Akin na yung sworn statement nung babae.”

    “Eto po,” sabi ng pulis sabay abot sa isang pirasong papel.

    Pagkakuha ay agad na pinunit ng hepe ang papel, kinurumpol, at itinapon sa basurahan.

    “”Sir, ano pong gagawin natin dun sa babae?” tanong ng pulis.

    “Hayaan niyo siya. Mas lalong kaduda-duda kung may mangyayari sa kanya. Wala rin namang maniniwala sa kanya. Basta’t sirain niyo lahat ng ebidensya.”

    “Eh, si Aimee po?”

    “Ako nang bahala,” sagot ng hepe. “Ipapalibing ko na lang kay Karding.”

    “Eh, ano pong gagawin natin sa taong grasa?”

    Biglang sumigaw ang hepe at sinipa ang upuang nasa harapan niya. “Sobra na ang taong grasang iyan! Gusto ba niya talaga tayo ubusin? Sigurado, mahuhuli ko din siya at pagbabayaran niya ang lahat ng kasalanan niya”

    Humalakhak ng malakas ang hepe. Pagkatapos ay nakigaya ang iba pang mga pulis at nagsitawanan din silang lahat.

    Credits: Martin Tristan M. Carneo
     
    Last edited by a moderator: May 5, 2016
Tags / Keywords: