What's new

Closed Horror story: Pakiabot ng Bayad

Status
Not open for further replies.
Y

Yours

Guest
Pakiabot ng Bayad
by Martin Tristan M. Carneo



“Para sa tabi!”

Agad na tumabi ang jeepney at tumigil sa may kanto. Isang matabang ale na may dalang bayong na puno ng mga gulay ang dahan-dahang bumaba ng jeep. Sinundan ko lamang siya ng tingin, iniisip kung saan kaya siya pupunta. Pagkatapos ay agad na kumaripas ng takbo ang jeepney. Wala akong nagawa kundi ang mapabuntong-hininga at muling ipikit ang aking mga mata.

Mahaba pa ang biyahe ko. Kahit hindi ko tingnan ay alam kong madilim na sa labas. Nasanay na rin ako. Matagal-tagal na rin akong bumabyahe ng ganito. Iginala ko ang aking mga mata at tiningnan ang mga kasakay ko. Halos lahat sila ay nakatungo at nakapikit. Siguradong pagod na rin sila tulad ko sa mahabang biyahe ngayong dis-oras ng gabing ito. May dalawang lalaking magkatabi ang parehas na nakalong-sleeves, ngunit nakatupi ang manggas hanggang siko. Sa tabi nila ay natutulog ang isang matandang lalake na may kalakihan ang pangangatawan. Sa tabi ko naman ay may isang babaeng hapit na hapit ang suot. Kitang-kita ko ang kanyang mapuputing hita. Ang mahabang buhok naman niya ay paminsan-minsang tumatama sa aking mukha. Mayroon ding dalawang kabataan, isang lalake at isang babae, na magkaakbay na parang walang pakialam sa mga tao sa paligid nila. Sa tapat ko naman ay isang lalaking nakasuot ng maong na jacket ang nakaupo. Ang kanyang mahabang buhok ay gulo-gulo at ang kanyang mga mata ay papikit-pikit. Yakap-yakap niya sa kanyang harapan ang isang itim na bag na kung susuriing mabuti ay parang wala namang laman.

Hindi ito ang unang beses na nakita ko ang mamang ito.

Muli kong ibinalik ang aking tingin sa labas. Malakas ang hangin na tumatama sa aking mukha dahil mabilis ang takbo ng jeep. Pipikit na sana akong muli ng maaninag ko ang isang taong pumapara sa aming jeep sa di kalayuan. Agad na naramdaman ko ang pagbagal ng sasakyan at ako ay napakapit sa mahabang bakal na hawakan sa kisame ng jeep.

Pag tigil ng jeep ay agad na sumakay ang isang babae. May hitsura ang babae. Maganda ang kanyang mukha na hindi na kailangan ng make-up. Mahaba rin ang kanyang buhok na naka-pony tail. Sa kanyang kamay ay nakita kong hawak-hawak niya isang malaking cellphone na kulay puti, malamang ay mamahalin.

Umupo ang bagong sakay sa likuran ng drayber. Dumukot siya ng barya at agad na nagbayad. Pagkatapos ay agad nitong tiningnan ang kanyang cellphone at mabilis na nagpipindot ang kanyang dalawang hinlalaki sa touch screen nito. Muli kong ipinikit ang aking mga pagod na mata.

“Bayad po.”

Isang boses ang gumising sa aking diwa. Isang boses na ilang beses ko ng narinig. Agad akong napadilat at tiningnan ang nagsalita.

“Bayad po. Pakiabot ng bayad.” Ang lalaking naka-maong na jacket ang nagsalita. Nakaunat ang kaliwang braso nito at sa kanyang kamay ay hawak-hawak niya ang bente pesos. Saktong nakatapat sa bagong sakay na babae ang kamay ng lalaki.



(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorrorphc.onl/#forbidden#)

“Pakisuyo na lang,” sabi ng lalaki na bahagyang lumakas ang boses. “Pakiabot na lang ng bayad.”

Hindi ko alam kung hindi ba naririnig ng babae ang lalake o kung nagbibingi-bingihan lang ito. Hindi ko rin maisip kung bakit hindi niya nakikita ang kamay ng lalake na nasa harapan lang niya. Patuloy lamang ang babae sa pagpindot sa kanyang mamahaling cellphone.

Nakakapagtaka talaga kung bakit may ilang pasahero ng jeep na, sa di maisip na kadahilanan, ay hindi nag-aabot ng bayad kahit na sila ang nakaupo malapit sa drayber. Oo, nakakaistorbo. Pero ganoon talaga kapag sumakay ka ng jeep, hindi ba? Kung ayaw mong maistorbo ay sumakay ka ng taxi. O kaya ay maghintay ka ng jeep na walang nakaupo sa dulo, sa bandang estribo, para hindi ka maabala. Pero kapag nakaupo ka sa bandang unahan, kailangan mong iabot ang bayad ng ibang pasahero. Hindi naman ito napakahirap.

Aaminin ko, isa rin ako sa mga naiinis kapag naiistorbo ako dahil may nakikiabot ng bayad. Mayroon kasing ibang pasahero na tamad at ayaw lumapit sa drayber kahit na maluwag ang jeep. Kaya minsan ay nagtutulug-tulugan ako para hindi ako maabala.

“Miss, makikiabot na lang!”

Hindi pa rin nililingon ng babae ang lalakeng nag-aabot ng bayad. Ni hindi nito pinapansin ang kamay ng lalake na ilang pulgada lamang ang layo sa kanyang mga kamay na abalang-abala sa pagkalikot sa kanyang cellphone. Tiningnan ko ang lalake at alam kong galit na ito. Nakita ko na siyang ganito.

Umiling ang lalake at ibinaba ang kanyang braso sa kanyang tuhod sabay mura ng malakas. Dito ay biglang nagising ang lahat ng pasahero ng jeep. Lahat sila ay nakatingin sa babaeng bagong sakay. Ako rin ay napatingin sa babae na patay malisya pa rin.

Mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita kong may dinudukot ang lalake sa loob ng kanyang maong na jacket. Kahit hindi ko tingnan ay alam ko kung ano ang kinuhuha niya. Ilang beses ko na rin itong nakita.

Nagulat ang babae at napasigaw ng biglang ilabas ng lalake ang isang baril at itinutok ito sa kanyang mukha. Nabitawan niya ang kanyang cellphone na ilang beses na tumalbog sa láρág ng jeep.

“Sabi ng pakiabot ng bayad, eh,” sabi ng lalake.

“T-Tulong! Tulungan niyo ako!” Pilit na umaatras ang babae sa kanyang kinauupuan ngunit wala naman siyang maatrasan pa.

Nagpalinga-linga ang babae sa ibang pasahero, naghahanap ng saklolo. Ngunit kaming lahat ay nakatingin lamang sa mga nangyayari, nagmamasid.

“Ilang beses akong nakisuyo pero hindi mo ako pinapansin,” galit na sabi ng mama sabay diin ng kanyang baril na noo ng babae. “Hindi naman napakahirap noon, di ba?”

Walang nagawa ang babae kundi ang sumigaw at umiyak.

“Ngayon, heto ang abutin mo.” Pagkasabi nito ay kinalabit ng lalake ang gatilyo ng hawak na baril. Isang beses. Dalawang beses. Tatlong beses.



(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorrorphc.onl/#forbidden#)

***

Siguro ay nabalitaan niyo mga dalawang taon na ang nakararaan ang tungkol sa isang jeep na bumabyahe isang gabi kung saan isang lalake ang walang awang pinagbabaril ang dalawang pasahero pati na rin ang drayber ng jeep. Nang dumating ang mga pulis ay nakita nila ang lalake na nagwawala, sumisigaw at sinusumpa ang pasaherong hindi nag-abot ng kanyang bayad. Sinubukan ng mga pulis na hulihin ang lalake ngunit ng lumapit sila ay agad na nagbaril ito sa ulo.

Siguradong nabalitaan niyo ito dahil nacover ito sa lahat ng malalaking istasyon sa TV. Pero siyempre, lahat ng balita ay agad na natatabunan ng mas bagong balita. Halos tatlong buwan pa lang ang nakalilipas ay limot na sa alaala ng mga tao ang nangyari. Nakalimutan nila na may mga taong namatay dahil lamang sa hindi pag-aabot ng bayad sa jeep.

Kaya siguro nagpatuloy pa rin ang biyahe.

Aaminin ko, nakatulog talaga ako ng sumakay ako sa jeep na ito mga isang taon na ang nakalilipas. Pagod ako noon dahil sa overtime sa call center na pinapasukan ko. Hindi ko talaga narinig ang lalake ng iabot niya sa akin ang kanyang bayad. Nagising na lamang ako ng marinig ang kanyang malakas na sigaw. Pagdilat ko ay nakatutok na sa aking mukha ang kanyang malamig na baril.

Nang sumakay ako sa jeep na ito ay apat lamang ang pasahero, pero ngayon ay siyam na kami kasama yung babaeng may cellphone. Nilingon ko siya at nakitang umiiyak siya, ang kanyang mukha ay duguan pa rin. Bahagya akong nakaramdam ng awa ngunit alam ko na, tulad namin, matatanggap din niya ang nangyari sa kanya. Tulad namin, mapapagod din siya sa kaiiyak at aasa na darating ang panahon na titigil din ang biyaheng ito. Kung kailan ay hindi namin alam.

Muling tumabi ang jeep dahil may pasaherong sasakay.

Credits: Martin Tristan M. Carneo
 
Last edited by a moderator:
Status
Not open for further replies.

Similar threads

Back
Top